Wednesday, December 21, 2011
Wag Lang Di Makaraos ni Eros Atalia
Thursday, July 7, 2011
Mga Batang Badjao
Matagal ko nang pinag-iisipan ang project ko tungkol sa mga batang badjao sa lansangan pero hanggang ngayon wala pang nangyayari. Hindi ‘to drawing, dahil dinaig ko pa ang sketch sa sobrang bagal ng pangako ko sa sarili. Nagmukha tuloy akong politiko. Mabuti na lamang at wala akong ibang napangakuan bukod sa sarili ko.
Naalala ko lang ang tungkol sa project na sinasabi ko dahil sa pagbabasa ko ng isang libro. Naisipan ko rin magsulat ngayon dahil maingay pa ang utak ko sa author ng librong binabasa ko. Bitaw muna sa libro, monitor muna ang haharapin ko. Balik tayo sa mga batang badjao, nakakita ka na ba ng batang may hawak na parang drums na gawa sa tubo at inikutan ng mga rubber para magmukhang drum set na pwede bitbitin gamit ang isang kamay? Pakalat-kalat sila sa daan. Dati sa lungsod ko lang sila nakikita, pero nung nakaraang taon nakita ko na lang na umaabot pala sila sa kalupaan ng Marilao, Bulacan. Sa kabilang kamay naman ng mga batang badjao, hawak nila ang mga sobreng puti na may nakasulat. Sumasabit sila sa mga jeep, mamimigay ng sobre at kakanta. Nanghihingi sila ng pangkain. Laking pagtataka ko kung paanong naisulat ng mga ‘yon ang nasa sobre samantalang hindi man lamang nga sila makapagsalita ng Filipino. Kaya nga siguro malaki ang hinala ko na hawak sila ng mga sira ulong sindikato.
At hindi lang pala sila puro bata, siguro marami lang sa kanila ang bata. Nakakita na rin ako ng mga badjao na may bitbit pang mga mas maliliit na bata. Hindi ko nga alam kung saan nagmula ang mga badjao na iyon at dito sila sa may amin naglipana. At kahit na hinubog ako ng katolikong paaralan, hindi malambot ang puso ko sa mga taong nanlilimos. Ewan, may awa naman ako. Wala lang talaga siguro ang simpatya ko sa kanila. Mas nakakaawa kasi para sa’kin yung mga taong nagsusumikap para sa pamilya nila pero hindi napapahalagahan. Yung parang “sige, bigay ka lang ng bigay. ‘Eto lang naman ang kailangan namin sa’yo, e.” Iyon ang nakakaawa, para sa’kin ha! Opinyon ko lang ‘yon, wag niyong mamasamain. Naiinis pa nga ko minsan kung bakit may mga nagbibigay sa mga nanlilimos. Pakiramdam ko kasi kinukunsinte nila na “sige lang!” Naniniwala kasi ako na kailangan mong magsikap. Para hindi ka parang tanga lang pagdating ng panahon. Kasi wala ka namang ibang aasahan bukod sa sarili mo, e. Lahat ng nagtitiwala sa’yo, pwedeng mawala ‘yan. Pero kapag nawalan ka na ng tiwala sa sarili mo, ‘yan ang mahirap. Kasi wala ka nang maasahan. Sana kung talagang may mga nagmamahal sa’yo.
Teka, lumalayo na yata tayo. Balik tayo sa mga badjao, yun nga. ‘Yung project ko. Gusto ko kasi silang kausapin, ‘yung mga bata. Hindi ko lang alam kung maaamo ko sila. Gusto ko silang pakainin tapos magkwentuhan kami kung ano talaga sila at bakit sila nanlilimos. Kung nasaan ang mga magulang nila, anong tunay nilang mga pangalan, at saan sila nakatira. Kaso baka isipin nila nanti-trip lang ako. Baka hindi nila ko seryosohin. Natatakot din ako baka kuyugin nila ko. Pero gusto ko lang talaga sila makausap. Makakwentuhan. Sasabihin ko, walang kumpanyang nagpadala sa’kin. Wala lang, curious lang talaga ko. At dahill nabanggit na rin ang kumpanya dito, bakit kaya ang mga batang ito ay hindi kupkupin ng mga kumpanya? Anong ginagawa ng DSWD? Sinabihan ba sila ng mga sindikato na ‘wag gagalawin ang mga bata? At sindikato nga ba talaga ang may hawak sa mga batang ‘to?
Napakarami ko pang gustong itanong. Napakarami ko pang gustong malaman pero wala naman akong ginagawa. Atras-abante kasi ako, e. Mahirap din akong kausap. Kaya nga ako lang mag-isa ang nagplano nito. Ayokong may madamay na wala namang kinalaman. At mahilig talaga kong mag-solo.
Oh, tama na. Mahaba-haba na rin ‘tong naikwento ko. Napakaingay kasi ng utak ko e. Nag-iibayo sa mga salita at emosyon. Punong-puno ng damdamin at ng kung anu-ano pa.
Balikan ko na yung librong binabasa ko, ang Ligo na U, Lapit na me ni Eros S. Etalia.
Date Modified: 7/6/2011 1:13PM
Tuesday, January 11, 2011
Peksman (mamatay ka man) Nagsisinungaling ako.
Sabi nga ni Steven Seagal kay Tommy Lee Jones sa Undersiege "We are all puppets serving the same masters."
Balik sa first time..
Hindi naman sinasadya, dahil naghihikahos ako ngayon at walang planong bumili ng mga bagay-bagay na ayon lang sa luho ko. Kuntento na naman ako e.. dapat. Kaso yung kaibigan ko dinala ako sa bookstore, hindi ko alam na kasama yun sa plano. Ang usapan e sasamahan lang namin siya sa mall. Pagdating sa bookstore, naghiwalay kami. Pumunta siya sa pwesto kung saan niya kukunin ang bibilin niya. Ako, naiwang nakatunganga sa bookshelf. Tapos na siya at ako nandoon pa din.
"Anong gusto mo?" Nilapitan ako ng kaibigan, aba. Naghahamon yata 'to.
"Gusto ko ng libro, ibibili mo ba 'ko?" Pabiro yung sagot ko, promise. Pabiro.
Hindi ko alam kung anong espiritu ang lumapit sa'kin, sumakay naman ako sa tsubibo ng kalaro. Hanggang sa binitawan ko yung libro. Nagturo ako ng iba. (Bakit Baligtad Magbasa ng Libro Ang Mga Pilipino?) Ayaw niya nun. Gusto ko yun. Ang katwiran ko, nawala kasi yung ganun ko, winala. Hindi ko na ka'ko kumpleto yung libro ni Master. Ayaw niya nun. Nabasa na daw niya. Ang gusto pala niyang mangyari e bibili ako ng libro tapos ikukwento ko sa kaniya. Wow. Kwentong barbero baga. Balik sa unang librong hinawakan. Hinamon ulit ako.
"Gusto mo ba talaga yan?"
"Bibilin mo ba?"
"OO."
"Talaga? Promise?" Aba! Talo na yata ako.
"Oo nga."
"Talaga nga, promise?"
"Oo nga ang kulit. Ayaw mo di 'wag."
"Sabi na e, yung totoo nga kasi. Bibilin mo ba?"
Paulit-ulit. Ayoko kasing maniwalang bibilhin niya. Masyadong mahal ang libro. Isa pa, quits na kami nung Pasko. Hindi ako nanawa sa pakikipag-usapan. Huminto ang tsubibo at ako ang nahilo. Binili niya ang libro. Hindi naman matapos ang pasalamatan. Para kong batang bumaba ng tsubibo at isinakay sa carousel sa tuwa. Hindi lang halata.
Balik na ulit sa first time, promise. Eto na talaga.
Nung una, hindi ko maunawaan kung bakit andaming pinapasalamatan ni Eros. Artistahin. Natawa ko nung sinabi ng isang director ang "Humanda ka, Bob Ong!" kahit na hindi naman layunin nito ang patawanin ang mambabasa. Ilang pahina na rin bago pa man mapunta sa unang parte ng kwento. Nabitin nga lang ako kung bakit nagkaganoon. Sayang. Sana tinapos niya hanggang sa nagtatrabaho na siya. Mahilig pa naman ako sa non-fiction. Gusto ko palagi ng katotohanan. Nagbabasa naman ako ng nobela pero gusto ko yung isang basahan lang, nakakabitin kasi kapag hindi mo tinuloy.
Pagdating sa pangalawang parte, medyo bigo ako. Hindi sa pangit, pero hindi ako nagandahan. Hindi kasi yun ang inaasahan kong sirkulasyon ng libro. Siguro ay iba-iba lang talaga ang panlasa ng mambabasa. Depende sa takbo ng utak nito.
Pero sa kabuuan, okay naman! Nakatutuwa dahil ikinukumpara siya kay Bob Ong pero nakita ko ang seryosong mukha ni Eros Atalia nang ibang-iba sa pagseseryoso ni Bob. Kudos to you Mr. Eros S. Atalia!
70% GOOD. Keep it up.
Sa susunod, titikim ulit ako ng ibang libro. Ibang manunulat at ibang istilo. Pero hindi ko sila ibabagsak, hihilahin pababa, at i-endorso na huwag tangkilikin ang gawa nila.
I support Filipino authors!