Matagal ko nang pinag-iisipan ang project ko tungkol sa mga batang badjao sa lansangan pero hanggang ngayon wala pang nangyayari. Hindi ‘to drawing, dahil dinaig ko pa ang sketch sa sobrang bagal ng pangako ko sa sarili. Nagmukha tuloy akong politiko. Mabuti na lamang at wala akong ibang napangakuan bukod sa sarili ko.
Naalala ko lang ang tungkol sa project na sinasabi ko dahil sa pagbabasa ko ng isang libro. Naisipan ko rin magsulat ngayon dahil maingay pa ang utak ko sa author ng librong binabasa ko. Bitaw muna sa libro, monitor muna ang haharapin ko. Balik tayo sa mga batang badjao, nakakita ka na ba ng batang may hawak na parang drums na gawa sa tubo at inikutan ng mga rubber para magmukhang drum set na pwede bitbitin gamit ang isang kamay? Pakalat-kalat sila sa daan. Dati sa lungsod ko lang sila nakikita, pero nung nakaraang taon nakita ko na lang na umaabot pala sila sa kalupaan ng Marilao, Bulacan. Sa kabilang kamay naman ng mga batang badjao, hawak nila ang mga sobreng puti na may nakasulat. Sumasabit sila sa mga jeep, mamimigay ng sobre at kakanta. Nanghihingi sila ng pangkain. Laking pagtataka ko kung paanong naisulat ng mga ‘yon ang nasa sobre samantalang hindi man lamang nga sila makapagsalita ng Filipino. Kaya nga siguro malaki ang hinala ko na hawak sila ng mga sira ulong sindikato.
At hindi lang pala sila puro bata, siguro marami lang sa kanila ang bata. Nakakita na rin ako ng mga badjao na may bitbit pang mga mas maliliit na bata. Hindi ko nga alam kung saan nagmula ang mga badjao na iyon at dito sila sa may amin naglipana. At kahit na hinubog ako ng katolikong paaralan, hindi malambot ang puso ko sa mga taong nanlilimos. Ewan, may awa naman ako. Wala lang talaga siguro ang simpatya ko sa kanila. Mas nakakaawa kasi para sa’kin yung mga taong nagsusumikap para sa pamilya nila pero hindi napapahalagahan. Yung parang “sige, bigay ka lang ng bigay. ‘Eto lang naman ang kailangan namin sa’yo, e.” Iyon ang nakakaawa, para sa’kin ha! Opinyon ko lang ‘yon, wag niyong mamasamain. Naiinis pa nga ko minsan kung bakit may mga nagbibigay sa mga nanlilimos. Pakiramdam ko kasi kinukunsinte nila na “sige lang!” Naniniwala kasi ako na kailangan mong magsikap. Para hindi ka parang tanga lang pagdating ng panahon. Kasi wala ka namang ibang aasahan bukod sa sarili mo, e. Lahat ng nagtitiwala sa’yo, pwedeng mawala ‘yan. Pero kapag nawalan ka na ng tiwala sa sarili mo, ‘yan ang mahirap. Kasi wala ka nang maasahan. Sana kung talagang may mga nagmamahal sa’yo.
Teka, lumalayo na yata tayo. Balik tayo sa mga badjao, yun nga. ‘Yung project ko. Gusto ko kasi silang kausapin, ‘yung mga bata. Hindi ko lang alam kung maaamo ko sila. Gusto ko silang pakainin tapos magkwentuhan kami kung ano talaga sila at bakit sila nanlilimos. Kung nasaan ang mga magulang nila, anong tunay nilang mga pangalan, at saan sila nakatira. Kaso baka isipin nila nanti-trip lang ako. Baka hindi nila ko seryosohin. Natatakot din ako baka kuyugin nila ko. Pero gusto ko lang talaga sila makausap. Makakwentuhan. Sasabihin ko, walang kumpanyang nagpadala sa’kin. Wala lang, curious lang talaga ko. At dahill nabanggit na rin ang kumpanya dito, bakit kaya ang mga batang ito ay hindi kupkupin ng mga kumpanya? Anong ginagawa ng DSWD? Sinabihan ba sila ng mga sindikato na ‘wag gagalawin ang mga bata? At sindikato nga ba talaga ang may hawak sa mga batang ‘to?
Napakarami ko pang gustong itanong. Napakarami ko pang gustong malaman pero wala naman akong ginagawa. Atras-abante kasi ako, e. Mahirap din akong kausap. Kaya nga ako lang mag-isa ang nagplano nito. Ayokong may madamay na wala namang kinalaman. At mahilig talaga kong mag-solo.
Oh, tama na. Mahaba-haba na rin ‘tong naikwento ko. Napakaingay kasi ng utak ko e. Nag-iibayo sa mga salita at emosyon. Punong-puno ng damdamin at ng kung anu-ano pa.
Balikan ko na yung librong binabasa ko, ang Ligo na U, Lapit na me ni Eros S. Etalia.
Date Modified: 7/6/2011 1:13PM
No comments:
Post a Comment