May mga bagay na hindi natin maiintindihan hangga’t hindi tayo nagiging involve. Minsan kailangan mong pumasok sa kahon ng eksena para malaman ang paksa nito. Hindi ko sinasabing kailangan mong subukan ang lahat ng bagay para malaman kung ano ang meron dito. Mayroon lang talagang mga iilan na malalaman mo lamang kapag sinubukan mo o pinag-aralan. Ito ang natutunan ko sa Pagbasa at Pagsulat Tungo sa Pananaliksik at Sosyolohiya noong second semester.
Hindi madalas magturo ang Prof ko sa Filipino. Pumapasok siya, oo. Pero mas madalas ang kamustahan, kwento at kalokohan. Wala ako masyadong naaalala sa subject niya dahil wala naman lagi doon ang paksa. Pero bago matapos ang semester namin, nakita ko ang punto niya na matagal ko nang hinahanap. Final requirements namin sa kanya ang mga papers at isa doon ang interview na parang ‘short’ field research. Mainit ang usapan noon tungkol sa mga maintenance ng university na matagal nang naninilbihan at bigla na lamang tinanggal sa posisyon. Kasalukuyan silang nagpoprotesta sa Main campus namin, ilang buwan na rin sila doon. Nung binigyan kami ng pagkakataon na makapanayam sila doon ko lang naintindihan kung gaano kahalaga ang trabahong iyon sa kanila. Kung ano na ang nangyayari sa mga pamilya nila at kung ano pa ang haharapin nila pagdating ng bukas. Doon ko lang naintindihan ang mga punto nila, opinyon at saloobin. At buong puso nilang ipaglalaban ang karapatan nila lalo na’t alam nila kung ano ang tama. Malamang nawi-weirdohan na kayo sa pinagsasabi ko. Pero dito ko naintindihan ang mga bagay na hindi nakikita ng pananaw ng isang indibidwal.
Ganito rin sa Sociology. Weirdo rin ang tingin ko sa prof ko dati. Hindi ko alam kung anong pinagsasabi niya. Hindi ko alam kung bakit kailangan niya pa yun sabihin at kailangan pa namin yun pag-aralan. Pero pagdating ng finals namin, nag-back read ako. Lahat ng notes, photocopy at libro ko binasa ko. Doon ko naintindihan lahat ng pinagsasabi niya simula nung una. Nakita ko ang ideya ng pinag-aaralan namin at hindi ko na maalala kung ano yung pananaw ko dati noong hindi pa ako aware sa subject matter na ‘to. Paminsan-minsan nakakalimutan ko din yung kahalagahan ng sosyolohiya pero may isa pa itong tinuro sa akin ng hindi sinasadya. Madalas kasi banggitin ang Marxism sa subject na ‘to at doon ko nalaman yung koneksyon nito sa mga activist o aktibista. Malalim pala yung pananaw ng mga taong ‘to at talagang may pinaglalaban sila. Dati may narinig ako na may point naman daw ang mga aktibista kaso pointless. Siguro biruan lang iyon nung narinig ko pero tumatak talaga yun sa isip ko. Hanggang sa napag-aralan namin kung bakit sila ganoon. Ngayon, mas madaling sabihing nauunawan ko na sila.
Madalas kasi tayong nasa comfort zone kung saan hangga’t natutugunan natin ang mga pangangailangan natin ay okay na. Hindi alam ng ilan na dapat maging parang ibon tayo. Dapat tayong lumipad ng matayog at sa bawat paghinto natin sa mga puno, may mapulot dapat tayong aral. Ilan lang ito sa mga naranasan ko ngayong second semester. Malayo pa ang lalakbayin ko. Madami pa kong liliparan. At sana katulad ng pagpapaalala ko sa iba na lumipad ng matayog ay makasabay sana ako sa hangin, malayang makalipad at makapagbaon ng lakas ng loob na sumabay dito. Marami pa kong nais at marami pa kong matututunan.
mindmybusiness.
No comments:
Post a Comment