“Sorry, Emil. Sinaktan ka ba nila?” paalalay ko pang itinayo si Emil nang sandaling maka-alis na ang mga nakabunggo niya.
“Hindi naman, okay ako. Mukhang sila pa nga ang napuruhan ko.”
Nakakawala ng gana makita ang taong mahal mo na nasasaktan ng dahil sa’yo. Wala akong masabi sa kanya, hindi ko man lamang siya napapasalamatan. Palagi na lang siyang napapahamak ng dahil sa’kin. Nahihiya na ‘ko. “Sorry talaga.”
Inakbayan niya ko, “‘wag mo ng isipin. Sabi sa’yo hindi naman ako nasaktan, e.” malambing si Emil, pilit niyang pinagagaan ang loob ko. Mabait siya. Simula nang naging kami, hindi niya ko hinayaang maging malungkot o hindi komportable. Gagawin niya ang lahat para sa’kin... kahit sobra na, kahit mahirap.
Patuloy kaming naglakad papunta sa paborito naming kainan na parang walang nangyari. Nang marating namin ang karinderya, tinignan niya ko. Sinusuyo ako ng mga tingin na ‘yon, para bang gusto niyang sabihin sa’kin na “wag ka ng mag-alala.” Nginitian ko siya at sinuklian ko ang mga tingin na ‘yon ng mahigpit na yakap.
“Tara na, kakain na tayo.”
Naupo kami sa pinakasulok na upuan ng karinderya, sa palagi naming pinupwestuhan. Um-order na siya. “Aling Delia, dalawang palabok, monay tsaka softdrinks!”
“Balot ba?” sigaw ni Aling Delia.
“Di. Dito ho kakainin.” bumalik na siya sa inuupuan namin.
“O, ano bang hinahanap mo? Kapkap ka ng kapkap d’yan sa pantalon mo.”
“Faye, naiwan ko yata ‘yung bibigay ko sa’yo.” nadulas na si Emil, may ibibigay pala siya sa’kin. Kaso naiwan niya, kaya nasabi niya. “Kailangan ko ‘yun balikan!”
“‘Wag na! Tsaka mo na lang bigay. Pupunta pa tayong Fort Santiago, ‘di ba?”
“E! Babalikan ko, dito ka muna ha? Kumain ka na. Tapos um-order ka pa kung gusto mo. Basta dito ka lang. Babalik ako.” sabay takbo ng mabilis ni Emil. Hindi ko na siya napigilan. Tinanaw ko siya, pero mabilis rin siyang nawala sa daan. “Mukhang importante ‘yung ibibigay niya ah?” nasabi ko sa sarili. Bumalik na lang ako sa pwesto namin.
“Nako, naiwan niya pala ‘yung cellphone niya!” sa sobrang pagmamadali hindi niya rin siguro napansin.
Kumain na lang ako. Maya-maya pa, naubos ko na ang palabok at monay na in-order niya. Hindi pa rin nagagalaw ang palabok at monay na in-order ni Emil para sa kanya. Tinakpan ko na lang ng plato ko para hindi langawin, tinupi ko rin ang straw ng softdrink niya. At dinahan-dahan ko ang pag-inom ng softdrink ko. Mag-iisang oras na, wala pa rin si Emil. Konting oras na lang at mag-aalasais na, hindi na kami aabot sa Fort Santiago. “Napakatagal naman niyang bumalik. Ano na kayang nangyari?” may pag-aalala na sa boses ko nung sinimulan kong magsalita sa sarili.
Dumungaw ako sa may labas ng karinderya, may mga kabataang nagtatakbuhan, nagmamadali. Parang may eksena silang ayaw palampasin.
“May niresbakan daw ‘don! Nakaitim na t-shirt ‘yong lalaki.”
“Nag-iisa lang daw.”
“Binuhusan daw ng asedo!”
“Tara!"
Kinilabutan ako sa mga sinasabi nila. Bumalik ako sa pwesto namin, dumaan ang pusang itim at nabunggo nito ang mesa. Tumapon ang softdrink ni Emil. Nabasag ang bote. Lalo akong kinabahan. Kinuha ko ang gamit ko at cellphone ni Emil, mabilis akong lumabas.
Sinundan ko ang mga kabataan, ang direksyon na pinuntahan nila ay ang pinanggalingan namin kanina. Nagdahan-dahan ako. Sa paglalakad ko, biglang may humila sa kamay ko papunta sa puno sa may kanto. Laking gulat ko, “si Emil!” Totoo ang sinabi ng mga kabataan, at ang lalaking naka-itim na t-shirt ay si Emil! Iba na ang itsura niya. Nabuhusan nga siya ng asedo, sa may bandang kaliwang tenga pababa hanggang sa leeg. Hindi ko akalaing totoo ang nakikita ko! Hawak niya ang kamay ko, gulat na gulat ang mga mata ko. At siya, binabasa niya ang pagtingin ko.
Bigla niya kong binitiwan, “EMIL!” Malakas ang sigaw ko. Tumakbo siya ng napakabilis. Simula ‘non, hindi na ulit kami nagkita.
HEY BLOGGR. ;)
Share ko lang. Hindi ko alam kung itutuloy ko pa 'to, 99% here is a part of my dream. It's kinda weird. Hindi ko alam kung bakit ako nanaginip ng ganito. Pero I think, I must write it. So, ayan. Medyo klinaro ko lang. If there's much time, madudugtungan ko pa 'to. Let's just see.
No comments:
Post a Comment